Marami tayong naranasan dahil sa pandemya. Maaaring may mga positibong bagay ngunit mayroon din namang mga negatibo talaga.

Positibo dahil kahit papaano ay nagkaroon tayo ng reyalisasyon na mas mahalaga ang ating pamilya higit sa kahit ano pa mang materyal na bagay. Mas nagkaroon tayo ng oras at panahon sa kanila lalo na nang magkaroon ng lockdown sa iba’t-ibang panig ng bansa.

Ngunit ang isa sa pinakanegatibong epekto nito ay maraming mga negosyo ang naapektuhan at marami ding mga manggagawa ang nawalan ng kanilang mga trabaho.

Buti na lamang at bilang isang Pilipino ay marunong tayong dumiskarte at maghanap ng iba pang pagkakakitaan upang masuportahan ang ating pamilya sa gitna ng pandemyang ito.

Marami ang naging online sellers, naging delivery riders, mga bakers at marami pang iba. Nagbukas din naman ito ng oportunidad sa marami sa atin.

Kamakailan lamang ay naglabas ng saloobin ang isang baker na nagngangalang Bea Manuel Sigua sa kaniyang social media account. Sa kaniyang post ay makikita ang ilang mga screenshots ng usapan nila ng kaniyang dapat sana ay magiging kostumer o kliyente.

Nagtanong ito sa kaniya kung sa halagang Php1,500 na pagpapagawa ng money cake sa kaniya ay kasama na rin ba ang ilalagay na pera sa loob. Nais niya daw kasi ay Php10,000 at puro Php100 na bills ang laman nito.

“Kayo na po magpoprovide ng bills na ilalagay tapos much better po nakabarya na din siya.” Nagbalik-tanong ang kanyang customer, “hindi pa po kasama yun sa 1500?” Sagot ni Bea.

“Hindi po ako nag-aabono sa money cake hindi po ako mayaman kung bawat money cake 1500 lang halaga tapos may laman na 10k e di na po ako magbebake oorder nalang ako ng money cake sa ibang baker”. Dagdag pa niya.

Bandang huli ay hindi na nagpagawa ang kaniyang kostumer ng money cake. Hindi naman daw galit si Bea sa taong ito ngunit nais lamang niyang bigyang-linaw ang mga ganitong sitwasyon upang sa susunod ay maiwasan na rin ng kaniyang mga magiging kostumer sa hinaharap.