Sa gitna ng nararanasan nating pandemya ngayon, sabayan pa ng walang tigil na pagtaas ng bilihin, kuryente, gas at iba pang pangunahing pangangailangan ng tao, talaga namang napakahirap nang makaraos sa araw-araw. Lalo na kung hindi rin naman tumataas ang iyong kita/sweldo.

Ito na marahil ang nakakalungkot na reyalidad sa Pilipinas ngunit sa kabila nito ay marami pa rin sa atin ang hindi nawawalan ng pag-asa at patuloy pa ring lumalaban sa mga hamon ng buhay. Mahirap man ang kalagayan o sitwasyon ng marami sa atin ngayon ay nakakagawa pa rin tayo kahit papaano ng paraan kung paano tayo makakaraos sa araw-araw.

Tulad na lamang ng isang Angkas rider na ito na sa kabila ng pandemya at hirap ng buhay ay nagagawang mapagsabay ang kaniyang pangarap at ang pagbabanat ng buto. Sa umaga kasi ay nagrereview ang Angkas rider na si Mark Anthony Combate para sa kaniyang Criminology Licensure Examination.

Habang sa gabi ay nagtatrabaho naman ito bilang isang Angkas rider bilang pandagdag kita. Namataan siya ng isa pang Angkas rider na si Mark Ryan Correa na siyang kumuha ng ilang larawan at ibinahagi ito online.

Mayroon kasing nakapaskil sa likod ng motorsiklo ni Correa na libreng sakay sa may bandang UP Technohub.
“Nag-offer pala siya ng libreng sakay sa mga pasahero dahil nakapasa siya sa criminology board exam po,” pahayag ni Mark Correa.

Dahil dito ay na-inspire din daw si Correa na gayahin ito pag siya naman ang nakapasa sa Teacher’s Board Exam.

“Kasi may incoming licensure exam for teachers po ako. At ‘pag ako din po ang nakapasa, gagayahin ko po kasamahan ko po. Mas ginanahan pa po ako ngayon.” Pahayag ni Correa.

Para naman kay Combate, sa tuwing may natatanggap daw siyang biyaya ay sinisigurado niyang maibabahagi niya ito sa ibang tao. Nais niya sanang mamahagi ng ayuda ngunit kapos din siya sa pera kung kaya naman libreng sakay na lamang ang kaniyang naisip na paraan.