Hindi napigilang maging emosyonal ni Herlene ‘Hipon’ Budol nang alalahanin niya ang kanyang graduation na hindi man lang nakasama ang kanyang magulang.

Kamakailan lang ay naging guest si Herlene sa Kapuso program na ‘Mars Pa More’.

At doon nga ay inalala niya ang isa sa napakalungkot na pangyayari sa kanyang buhay. Kung saan wala man lang siyang kasama noong nagtapos siya ng Highschool.

Niyaya niya daw noon ang kanyang ama ngunit itinuro nito ang kanyang ina. Nang magpunta naman siya sa kanyang mama tanging sinabi lang daw nito, “Anong ginagawa ng ama mo? Siya papuntahin mo.”

Batid naman ni Herlene na kaya nagtuturuan ang kanyang mga magulang ay dahil ayaw lang magkita ng mga ito. Hiwalay kasi ang mama at papa niya at may kanya-kanya na itong mga pamilya.

At dahil nga sa kaganapang iyon, walang kasama si Herlene ng mag-martsa na siya sa araw ng graduation ceremony.

Nakisabay na lamang daw siya sa kanyang mga kaklase at nagkunwari na lamang na kasama niya ang kanyang mga magulang.

Pagkekwento ni Herlene, “Nakakalungkot lang na napagtapos ko yung pag-aaral ko na sarili ko lang. Yun na lang gagawin nila [sumama sa graduation] hindi pa nila nagawa.”

Habang naluluha, sinabi naman ni Herlene na napatawad na niya ang mga ito. Isa din daw kasi sa itinuro ng kanyang lolo at lola na nagpalaki sa kanya ay ang huwag magtanim ng sama ng loob sa kanyang mga magulang.

Ibinahagi din niya na isa sa pinapangarap niya ang magkaroon ng graduation picture na maisasabit sa kanilang bahay

At sa darating nga na Mayo ay magkakaroon muli ng pagkakataon si Herlene na mag-martsa para sa pagtatapos naman sa Kolehiyo.