Agad na nag-viral ang nangyari sa isang lolo na may malaking pera na inanay lamang matapos itong ma-post sa programang Kapuso MO, Jessica Soho. Nanawagan ng tulong si lolo na kinilalang si Lolo Adonis Beumia na mapalitan ang kanyang pera na inanay. Umabot ng halos Php 50,000 ang perang inipon niya. Ang balitang ito ay nakarating sa Bangko Sentral ng Pilipinas.

Masayang masaya si Lolo Adonis nang matupad ang kanyang kahilingan na mapalitan ang mga perang inanay ng Bangko Sentral.

Ayon sa ulat, matagal na panahon ang ginugol ni Lolo Adonis para maipon ang ganitong kalaking pera. Inipon niya umano iyon mula sa paunti-unting kita sa pagdedeliver ng yelo. Ngunit, walang siyang ideya na pinamahayan na pala ng anay ang kanyang aparador kung saan niya tinatago ang mga naipong pera.

Napag-alaman na lamang niya na inanay na ang kanyang pera nang maglinis siya ng aparador. Napansin niyang may anay ito kaya agad niyang tiningnan ang inipong pera at bumungad nga sa kanyang ang mga sira-sirang pera.

Nanghinayang si lolo ng makita ang inipong pera dahil inakala niyang hindi na niya ito mapapakinabangan. Nagbakasali naman siyang lumapit sa programang KMJS upang mabilis na masolusyunan ang kanyang problema.

Hindi naman siya nabigô dahil pinalitan ito agad ng Bangko Sentral. Nitong Agosto 11 nang mapalitan ang kanyan pera ng Bangko Sentral. “Masayang-masaya talaga ako at napalitan na at naibalik nang buo ang ipon ko. Maraming salamat sa bangko na tinanggap nila ‘yong pera. At maraming salamat sa Bangko Sentral sa lahat ng tulong para mapalitan ‘yong pera ko,” saad ni Lolo Adonis.